Monday, September 8, 2014

Nakaw

Original Post: Facebook NOtes, 31 July 2011 at 00:19
On Tatay's Goodbye on 01July2011.
-------------




May mga bagay na bigla na lang nawawala sa atin.
Mga bagay na sa isang kisap-mata'y naglaho na,
Mga bagay na wari'y ninanakaw ng mapag-imbot na dilim,
Mga bagay na mabilis mang mawala'y
matagal pa ring mawaglit sa isipan.

Minsan, may mga  babala.
Mga babalang maintindihan man natin o hindi
ay pilit nating isinasantabi
dahil sa takot na ang pagtanggap nito'y
pagtanggap na rin bilang katotohanan
sa nakaambang pagkawala.

Sa huli,
tanggapin man natin o hindi,
iwasan man natin o harapin,
pakiramdam pa rin natin,
sa oras ng pagkawala'y
tayo'y nanakawan.

Tayo'y nanatiling biktima
ng ating kawalan.

At sa bawat pagkawala,
malulungkot tayo.
Luluha.
Tatangis.
Maghihinagpis.
At marahil magtatanong
- sa Diyos at sa tao-
kung "Bakit?"

At sa dulo,
malalaman natin
na tayo lamang ang makasasagot
sa ating  tanong.

Ngunit hanggang hindi natin natatanggap
ang ating kawalan,
ang sagot sa tanong ay manatili pa ring:
"Tahan na."

Sa gitna ng ating kalungkutan,
Marapat na tandaan na natin
na ang bawat kawalan
ay kaakibat ng
isang uri ng kalayaan.

Kalayaan mula sa karamdaman,
mula sa pagdurusa,
paghihinagpis,
pagkagapos sa mga demonyo ng lipunan.

Kalayaan mula sa mga bagay na nagbibigay pait
sa buhay sa mundong puno ng pasakit.

Ibigin natin ang kalayaang ito,
alang-alang sa mga nawala sa atin.





No comments:

Post a Comment