Monday, September 8, 2014

Mga Resolusyon Noong 2010.

Originally posted as: Hindi na. On Facebook Notes, 22 January 2010 at 08:30
-----------


Magiging makabuluhan nga siguro ang taong 2010 para sa akin. Siguro nga, sa taong to, marami akong matututunan.

Maaga pa lang meron nang malupit na lesson in life na pinapamukha sa akin ang 2010. Isa to sa mga bagay na matagal ko nang sinasalaksak sa ulo ko, pinapangaral sa sarili ko, sinasabing tatandaan at aalalahanin pero pinapabayaan pa din, nagri-risk... Tapos, pumapalya.

At pag pumalya, gustuhin ko mang isisi sa lahat ng may kasalanan, alam ko sa dulo, bago ako matulog, sisisihin ko pa rin ang sarili ko.

Maaga pa lang sa taon, marami na akong mali. May mga kamalian na dala ng mga katangahang nagawa noong nakalipas na taon at may mga kamaliang nataong nagawa ko sa mga nakalipas na araw.

Maling tiwala, maling diskarte, maling pakikisama, maling pag-asa, mali, mali, mali...

Isang mahabang listahan ng kamalian, isang mahabang pila ng katangahan.

Alam ko, hindi ko din matutupad to hanggang dulo pero, siguro hanggang kaya kong tuparin, tutuparin ko. Para sa sarili ko at para na rin sa mundo, para di na ako masyadong masasaktan sa susunod - o makasakit.

Makikinig na ako sa pakiramdam ko. Yung instinct. Yung kutob. Walang basehan, walang eksplenasyon, walang lohika... Basta pag pakiramdam ko, mali - tama na. Ayoko nang ipilit na bigyan ng pag-asa yung mga bagay na sa pakiramdam ko hindi naman maganda ang kahihinatnan.

No more second chances. Di na ako magri-reach out sa mga taong hindi ko feel sa umpisa, para lang subukan na baka hindi ko lang nakikita yung kagandahan sa kanila. Kung hindi ko makita, hindi ko makita. Kung pakiramdam ko di ko makakasundo, di ko ipipilit. Di ako yuyuko, di ako makikisama, di ako makikibagay, di ako magpaparaya, di ako magbibigay. Hindi lahat ng tao pwede kong maging kaibigan. Mas maganda nang pabayaan nang hindi ko maging kaibigan ang isang tao kesa maging kaaway ko lang siya pagkatapos ko siyang bigyan ng pansin.

Tama na rin ang mabilisang pagtitiwala - lalo na pag may duda. Ipagdadamot ko na ang pagtitiwala. Hindi rin naman dapat yon ipinamamahagi na parang campaign paraphernalia. Hindi lahat ng tao deserve yon. Hindi ko na pipilitin ang sarili ko na ibigay yon sa lahat ng tao.

Maraming senyales at babasahin ko lahat. Hindi na ako magpapabaya sa mga signos na binabato ng mundo. Kapag naramdaman kong may hindi tama sa isang bagay, hindi ko na yon itutuloy.

Hindi na ako magpapaliwanag ng kasing dalas. Wala akong pakealam kung hindi niyo maintindihan. Ang layunin ko sa mundo ay hindi para mabuhay sa uri ng pamumuhay na maiintindihan ng lahat.





No comments:

Post a Comment