Tuesday, September 2, 2014

Hayop na May Pakpak Pero Madalang Lumipad

“CHICKEN LANG ‘YON!”
Isa ‘yon sa pinakamadalas kong marinig noong grade six tungkol sa kung anu-anong bagay, tulad ng quarterly exam sa Christian Living, o sa pagtakas palabas ng campus kapag lunch, o sa crush ko pag dating sa basketball, pingpong, badminton, mataya-taya, agawan base at langit-lupa.
Hindi ko naiintindihan noon kung bakit manok ang ginagamit nilang simbolo ng kahinaan o ng pagiging madaling labanan ng isang bagay.
Inisip ko na lang noon na hindi rin ‘yon naiintindihan ng mga mayayaman kong kaklase dahil malamang hindi pa sila nakalapit sa buhay na manok. At di gaya nila, iniisip kong matatapang ang mga manok tulad ng alagang pansabong ni Tatay.
Lumaki akong takot sa manok dahil sa mga alaga ni Tatay. Simula nang unang beses na lumapit ako sa kulungan ng mga pansabong ni Tatay noong maliit pa lang ako at tinuka ako ng paulit-ulit ng isa sa mga ‘yon hangga’t sa umiyak ako at kunin ni Nanay, nag-iba na ang tingin ko sa mga hayop na may pakpak pero madalang lumipad.
Matagal bago naghilom ang mga sugat ng mga kamay kong nabalatan ng tuka ng manok at, sa mahabang panahon, napapanaginipan ko gabi-gabi ang muling pagdamba ng pansabong ni Tatay. Malinaw sa aking panaginip ang pagtuka niyon sa aking mga sugat, ang pagsirit ng dugo, ang pag-iyak ko at ang hapdi ng alkohol na pinanggamot ni Nanay.
Nag-iwan ang mga sugat na iyon ng maliliit na peklat sa kamay ko na sabi ni Nanay ay malamang daw na hindi na mawala.
Kahit na hindi na ako lumalapit sa mga manok sa takot na maulit ang nagawang pang-aapi sa akin, hindi noon nahinto ang pagkahilig ko sa kahit anumang luto sa hayop na ‘yon. Kahit sa bahay o sa ibang kainan, mapa-inihaw, adobo, afritada, tinola, pininyahan, pinirito o anupaman, kahit minsan hindi pa gaanong luto at mayroon pang konting katas ng dugo, hindi ko inuurungan ang pagkain sa manok. Siguro, ‘yon na rin ang simpleng ganti ko sa angkan nila para sa isa sa pinakamapait kong karanasan.
Dahil sa pagkahilig kong ‘yon, yinaya ko noon ang Tatay na kumain sa isang mamahaling kainan na naikwento ng mga kaklase ko ng naghahain ng pinakamasasarap na inihaw na manok na may kasamang masarap na sawsawang gawa sa dinurog na atay ng baboy at hindi ng nakasanayang pulang sawsawan na gawa sa saging o kamatis. Hindi pumayag ang Tatay sa hiling kong ‘yon pero nangako siyang kung magiging Top One ako sa klase tulad ng Ate ay matitikman ko ang pinakamasarap na manok na hiling ko.
Dala ng pangakong ‘yon, lihim akong nagpursigi sa pag-aaral. Kahit na alam kong nahirapang maging Top One si Ate na siyang paborito ni Tatay at pinagmamalaking pinakamatalino sa pamilya, hindi ako sumuko. Isa pa, konting puntos lang naman ang lamang sa akin ng Top Onenamin sa klase kaya malaki ang pag-asa ko sa tagumpay.
Kaya habang masayang pinanonood ang pagkabawas ng mga tandang sa aming bakuran dahil sa pagdadala ng pansabong ni Tatay tuwing Linggo at pag-uwi nang hindi kasama ang dinalang manok, nahagkan ko ang aking abot-kamay na tagumpay para sa inaasam na katuparan ng pangako ni Tatay.
Ngunit ilang Linggo ang lumipas pagkatapos kong ipaalam sa buong pamilya ang tungkol sa tagumpay ko, wala pa ring katuparan ang pangako ni Tatay. Kaya malungkot kong sinabi kay Nanay ang tuwirang pag-asa ko sa pangakong ‘yon.
Kaya sa Linggong dumating pagkatapos na kong magtapat, pinaghanda ako ni Nanay para magpunta sa kainang pinapangarap ko. Gagamitin daw namin ang kita ni Nanay mula sa ilang Linggong pagtitinda ng cosmetics sa mga kapitbahay na ipapasisingil niya kay Tatay pagkagaling nito sa palaruan ng mga tandang.
Handang-handa na akong umalis pagdating ni Tatay pero hindi siya handang pumunta sa kainan. Hawak niya ang isa sa mga dumudugong pakpak ng paborito niyang tandang.
Mag-uusap daw muna sila ni Nanay.
Mula sa kwarto naming magkapatid, narinig ko ang pagtatalo nina Nanay at Tatay. Itinaya ni Tatay ang perang pangkain sana namin para sa ngayo’y patay na niyang tandang na si Sure Win. Hindi niya daw kasi akalaing mananalo ang manok ng kabila. Mahinang klase daw kasi ‘yon, himala lang daw ‘yong nakaligtas mula sa laban ilang Linggo lang ang nakalipas. Dagdag pa niya, hindi naman daw siya tumataya sa isang sugal na hindi siya kampanteng hindi siya ang maglalabas ng pera. Minalas lang daw siya.
Nang tanungin ni Nanay ang pangako ni Tatay sa akin, noon ko naintindihan kung bakit nabalam ang katuparan ng pangako niya. Inakala niyang tulad lang ako ng manok ng kalaban.
Hindi kami non natuloy sa kainang ‘yon. Pero sa unang sweldo ko nang ako’y simulang magtrabaho pagkatapos ng kolehiyo at tuwing ilalabas ko ang buong pamilya, sa kainang ‘yon ko sila palagi dinadala kung saan tinititigan ko si Tatay ng isa sa mga titig kong nasabi niyang ‘tagos sa buto.’
Naging isa ‘yon sa mga paborito kong kainan pero lagi namang nirereklamo ni Tatay na mahirap nguyain ang hinahaing ulam ng kainan.
“Chicken lang ‘yan,” sagot ko naman.
‘Yon na lang ang simpleng ganti ko sa nagawang pang-aapi sa akin at para sa isa sa pinakamapapait kong karanasan. 

Published: Definitely Filipino/ September 18, 2011
http://definitelyfilipino.com/blog/2011/09/18/hayop-na-may-pakpak-pero-madalang-lumipad/

No comments:

Post a Comment