Friday, September 5, 2014

Acceptance Stage

Sa gitna ng McDonald's at ng kalsada, tumawag ka. Sa gitna ng mahinang ingay ng mga nagbebenta ng prutas at ng mamang nagsasalita sa speaker para ipaalam na nasa likod ng jollibee ang tamang sakayan, nag-usap tayo.

Mag-isa na naman ako, sa gitna ng parking lot -- sa gitna ng McDo, kalsada, mga nagbebenta ng prutas at ng speaker.. Dinadamang kasama ka pero pawang itong simoy ng malamig na hangin ng umaga ang dumadampi sa balat ko. At oo, wala ka sa tabi ko kundi nasa telepono.

Natapos ang tawag. Ibinulsa ko ang telepono. Naglakad papunta sa likod ng jollibee. Nagbayad para sa pamasahe. Sumakay ng dyip. Nagbasa ng libro. Pumara. Sumakay ulit ng dyip. Nagbayad ng pamasahe. Hinanap ang telepono. Hinanap ulit. Napatawa. Hindi ko nakita ang telepono. Bumaba ng dyip. Tumawa ulit. Ngumiti. Hinalungkat ang bag.

Umiling "Kalokohan na naman."

Sumigaw. "Waaaaaaaaaaah!"

Tumawa. "Ahahahah."

Bumuntong-hininga. "Haaay."

Humalakhak. "AHAHAHAHHAH."

Nagmura. "Putang ina!"

Nag-english. "Shit!"

Nag-isip. "Hindi mo na ako matatawagan."

Tapos, tumawa ulit. "Ahahahahahaha."

Nakangiti akong pumasok sa klase. Alam kong malaya na akong muli, kahit para lang sa ilang Linggo. Kalayaan kapalit ng orasan, kalendaryo, radyo, archive, camera, recorder at laruan.

Kunsabagay, mahirap nga naman maging malaya.

Nakangiti akong sinabi sa kanyang nawala ko ang telepono, sabi ko nasa acceptance stage na ko. Tumawa siya at niyakap niya ako.

Ang sarap maging malaya.

[Inilathala sa Yahoo 360 noong Wednesday January 4, 2006 - 11:03pm (PST)

No comments:

Post a Comment