Friday, September 5, 2014

Anak ng Kalawakan

Anak ako ng kawalakan
Hindi ako anak ng Diyos
O ng dalawang taong magkaiba ang kasarian.

Ako’y mabubuhay,
Nabubuhay
At mamamatay
Para sa ikabubuti ng kalawakan.
Hindi ako para sa kabutihan lamang
Ng isang lahi ng tao sa lipunan
O ng isang relihiyong sumasamba sa isang Panginoon.

Hindi ako alagad ng Diyos.
Hindi ako alagad ng tao.
Wala akong pinaglilingkuran.

Ako ay alagad ng kalawakan,
Inaangkin kong pamilya ang buong mundo,
Tahanan ko ang Pilipinas,
Batas ko ang katotohanan,
At pag-ibig ang tangi kong sinasamba.

Handa akong limutin ang nakaraan
Upang makisangkot sa pagtataguyod ng hinaharap.
At bukas,
Sa paglikhang balot ng tangi kong sinasamba,
Makakapaghatid ako ng bagong tao.
Bibigyan ko siya ng edukasyon,
Aarugain ng may pag-irog,
Imumulat sa katotohanan,
Aagapayan sa unti-unting pagtayo,
At,
Sa prosesong iyon,
Ipapaalam na ako’y hindi kayang magulang
Kundi ang kalawakan.

Sa gayon di’y ipamamalas
Ang tunay
At tamang anyo ng buhay.
At sa kahit anumang oras na kailangan ko nang isuko
Ang karapatan ko para sa hangin ng mundong ito
Saka ko sasabihing:
Ako’y naging mabuting anak
Sa kalawakang sa akin ay kumupkop,
Ako’y walang sawang sumamba
Sa pag-ibig na inari kong akin,
At ako’y sumunod sa batas
Sa katotohanang aking kinilala.

Ang buhay ko’y magwawakas
Bilang isang tunay
Na anak ng kalawakan.
At hanggang sa huli,
Ako ay Pilipinong
Nanahan sa sarili kong bayan.

Handa akong harapin
Ang aking huling hantungan.



POSTED BY IE SINDAYEN AT 7/26/2006 10:49:00 PM + http://seryosongpatawa.blogspot.com/

No comments:

Post a Comment