Basta na lang itong dumating.
Hindi ko man lang napansin;
Hindi kasi ako nakatingin.
Nalaman ko na lang
Dahil sa lakas nito
Kumakatok sa bintanang mahigpit na nakapinid
Ang malalaking mga patak ng tubig.
Inisip kong buksan ang bintana
Upang maramdaman ang halik ng ulan
Ngunit nag-atubili ako dahil hindi ko alam
kung makabubuti ba sa aking balat ang tubig na yan.
Nagtanong ako sa iba,
Pero sabi nila:
Hindi ko rin alam,
Buksan mo ang bintana kung gusto mong subukan.
Kaya't nag-isip ako sa isang tabi,
Nag-isip nang nag-isip hanggang makapili
- Bubuksan ba ang bintana o hindi?
At sa wakas, ako'y nakapagpasya:
Bubuksan ko ang bintana.
Kaso
Sa malas,
Nang mabuksan ko ang bintana
Tumila na
Ang ulan
At kung babalik ma'y
hindi ko alam kung kailan.